By Nitz Miralles
Manila, Philippines – MAY pagmamalasakit sa movie industry si Atty. Joji Alonso dahil kahit ang “Posas” lang ang entry ng Quantum Films sa 2012 Cinemalaya, tinutulungan niyang magkaroon ng publisidad ang mga pelikulang “Oros” at “Requieme!”
Si Paul Sta. Ana ang director ng “Oros” na tungkol sa exploitation sa mga patay ng mga buhay. Ipapakita kung paano ginagawang hanapbuhay ang mga patay na kung hindi binibili ay nirerentahan for P10,000 para makapagsugal ng sakla. Bida sina Tanya Gomez, Kristoffer Martin at Kristoffer King.
Si Loy Arcenas naman ang director ng “Requieme!” na isang black comedy na binubuo ng three stories. Second film ito ni direk Loy. Kung hinangaan natin ang “Niño” last year, ini-expect na magugustuhan din natin ang second film niya. Isa sa mga bida rito ay ang mahusay na aktres na si Shamaine Centenera-Buencamino.
Sa synopsis pa lang at sa kuwento nina Atty. Joji, Nico Antonio at direk Lawrence Fajardo, alam agad na isa sa pinakamatapang na pelikula at magiging controversial sa 2012 Cinemalaya ang “Posas.” Ii-expose ng film ang corruption, brutality, human rights violation at iba pang mali sa sistema ng paghuli sa mga kriminal.
Matapang ang sagot ni Atty. Joji sakaling may kapulisang magreklamo at huhusga sa pelikula: “Linisin muna nila ang kanilang ranggo.”
Samantala, kami lang ba ang nakapansing parang hirap na hirap umiyak ang isang aktres sa isang madamdaming eksena ng soap na kanyang tinatampukan? Umiiyak ang boses nito at may kaukulang facial expression, pero walang luha na tumutulo. Nang sa wakas ay tumulo ang hinihintay naming luha, matagal na siyang nag-i-emote at mahaba na ang nasabi.
Matagal na naming napapansing hirap sa crying scenes ang aktres. Dahil kaya sa wala siyang pinaghuhugutan, happy ang childhood o talagang mabagal lang tumulo ang kanyang mga luha?

