Dear Tita Belle,
Nag-umpisang magbago ang pakikitungo ng aking asawa sa akin ng magsipaglaki na ang aming mga anak. Napapansin kong nabawasan na ang “intimacy” namin sa isa’t-isa. Abala lagi ang asawa ko sa kanyang boutique store. Noon ay nagagawa pa naming mag-date isang beses sa isang linggo. Ngunit nang nagsipagtapos na ang mga anak namin, parang ibinuhos na lahat ng panahon niya sa kanyang negosyo.
Ako ay retirado na bilang “city engineer” at gusto ko sanang magpahinga na rin ang aking asawa sa pinagkakaabalahang negosyo.
Napapaluha ako kapag naaalala ko ang mga matatamis naming sandali. Napakasakit sa akin ang nakabibinging pagbabagong ito sa aming mag-asawa lalo na ngayong sa ibang kuwarto natutulog si Melody. Tinanong ko ang asawa ko tungkol dito at nasaktan ako sa sagot niya na matatanda na raw kami para magkatabi pang matulog. Gusto ko kahit papaano ay maibalik ang pagmamahal na unti-unting nawawala sa asawa ko. Ang mga anak naming ay magkakapamilya na balang araw at kaming mag-asawa ang matitirang magkasama kaya gusto kong hindi mawala ang pagmamahalan at pagmamalasakit naming sa isa’t-isa.
Godofredo
Dear Godofredo,
Kaibiganin mo ang asawa mo, ito ang napakagandang simula na unti-unting pagbalik ng tamis ng inyong pagmamahalan. Ang mga mag-asawang ang turing sa isa’t-isa ay “best of friends“ ay matagumpay. Ang sabi ng isang paham, “Togetherness turns the key in the lock.“ Ang mga anak ninyo ay abala na sa kanilang trabaho at sa paghahanda na sa kanilang buhay para sa kanilang kinabukasan at kayong magasawa ay nasa pagsimsim na ng masaya at maginhawang buhay. Ito ang bunga ng inyong pagsusumikap na itaguyod na maayos ang inyong pamilya.
Tungkol sa pagtulog ng inyong asawa sa ibang silid, masakit nga ito lalo na pag gusto mo siyang kasama lalo na sa pagpapahinga.
Kapag nasa iisa kayong silid natutulog, marami kayong bagay na magagawa lalo na ang pagkukuwentuhan na nakapagpapasaya sa damdamin. Maibabahagi mo rin sa inyong kabiyak ang mga saloobin mo at ang mga suliraning bumabagabag sa iyo. Kailangan natin ng mapaghihingahan ng mga sama ng loob at ng kaligayahang nadarama natin. Kailangang pag-usapan ninyong mabuti ang relasyon ninyong mag-asawa.
Tita Belle
Incoming search terms:
- nagbago na ang asawa ko (1)

