Home » Lakbay Diwa » Magagawa mo

Magagawa mo

“The person who has a firm trust in the Supreme Being is powerful in His power, rise by His wisdom, happy by His happiness.”

Pampalakas-loob ang payong ito ni Joseph Addison. Anuman ang ating binabalak gawin, kapag tayo’y nakaugnay sa Kanya ay pagpapalain tayo – tiyak na magagawa natin.

Sinasabi ng mga paham na napakaraming tao ang isinilang at namatay nang hindi man lamang nagamit ang kanilang nakatagong potensyal, talino at pagka-malikhain.

May mga tao na natutuklasan sa dakong huli na kaya pala nila ang nais nilang gawin. May nakatago pala silang talino.

Ang kailangan ay pagtitiwala sa Panginoon at sa sarili at ang iba’y nakasalalay sa sipag at tiyaga.

Nang magtapos sa Rizal High School si Luis ay sinabi ng kanyang mga magulang na hindi na nila kayang tustusan ang pag-aaral ng bata. Nilakasan ni Luis ang kanyang loob. Nag-aral siya sa gabi at nagtrabaho sa araw hanggang nakatapos siya ng abogasya.

Simula sa pagiging kawani sa isang Law Office ay naging manananggol si Luis hanggang maging Piskal sa iba’t ibang pook sa Rizal at sa Kalakhang Maynila. Dahil sa ganda, galing at linis ng kanyang record ay nahirang siya bilang Associate Justice sa Court of Appeals. Siya ay si Justice Luis L. Victor.

Sa bokabularyo ni Justice Victor ay laging maririnig ang ekspresyong “maari” at “kaya mo.” Ang prinsipyo niya sa buhay, “Magagawa ng isang taong may malinis na budhi ang lahat ng kanyang iniisip ayon sa kalooban ng Panginoon.

Sagabal sa pag-unlad ang hiya, kawalan ng tiwala sa sarili at pagiging matatakutin. May taong kapag tinanggap ang hamon ay hindi makapaniwalang magagawa niya.

Kapag nagtiwala tayo sa Panginoon, mawawala ang takot sa ating puso. Masasabi natin sa ating sarili: “Magagawa ko iyon.”

Sinabi ng isang paham;

“Invoke the positive in your life. Change the habit of saying “I can’t” to “I can!”