Home » Local » Kim, Vi’s choice for co-star

Kim, Vi’s choice for co-star

Manila, Philippines – Personal choice ni Governor Vilma Santos-Recto si Kim Chiu para makasama niya sa pelikulang “The Healing” ng Star Cinema. Anang actress-politician, binigyan siya ng Star Cinema ng listahan ng mga young actresses kasama roon si Kim at ito ang pinili niya.

“Nag-guest kasi si Kim sa isang TV special ko. Na-impress ako sa kanya noong ipagaya namin sa kanya ang role ko noon sa “Dolzura Cortez.” Ang galing-galing niya. Tingin ko sa kanya noon, very raw, very fresh, wala pang gaanong experience. Ang sarap kasama pag gano’n. Tapos napanood ko pa siya sa mga teleserye niya. She’s good and very professional,” pahayag ni Gov. Vi.

Dagdag pa ng actress-politician, mahiyain si Kim. Kapag nasa set sila, niyaya niya ito sa kanyang dressing room dahil malamig du’n. Nasa labas lang daw si Kim at nagpapaypay. Hiyang-hiya pumasok kung hindi pa niya ito pipilitin.

Feeling blessed and proud naman si Kim na makatrabaho si Gov. Vi. “Ms. Vilma” ang tawag niya sa actress-politician kahit paulit-ulit na sinasabi nito sa kanyang Ate Vi na lang ang itawag niya.

“Nahihiya ako eh!” ani Kim. “Noong sabihin nga sa akin ng handler ko na may gagawain akong movie kasama si Ms. Vilma, oo agad ako. Wala nang tanong-tanong pa,” lahad ni Kim.

Ayon pa kay Kim, noong unang eksena nila’y hiyang-hiya siya sa actress-politician. Sobrang kinabahan siya. Mabuti na lang daw at wala siyang speaking lines dahil takot siya mabulol.

Sa “The Healing,” stepmom ni Kim si Gov. Vi. Nagkaroon siya ng malubhang sakit at dinala siya nito sa isang faith healer. First horror-movie ito ng actress-politician. Aniya, “Mahirap pala. Pero nag-enjoy naman ako.” (Rowena Agilada)