“Ang bayang Pilipino ngayon ay nagsasaya. Isang sugo ng langit tayo ay mayroon na. Salamat sa Maykapal sa banal na biyaya. Tinanghal ng daigdig kaya ka naging dakila. Purihin ka, Lorenzo at iyong mga ksama. Alagad ng Maykapal, sagisag ng pag-asa. Iyo ang aming puso, Lorenzo de Manila. Ipagbunyi din natin ang mga kasamang Martir. Sa lupa at langit, sila ay dakilain. Salamat sa Maykapal sa banal na biyaya. Tinanghal ng daigdig kaya ka naging dakila.”
Iyan ang titik ng awit na kinatha ni Celso Carunungan. Ang musika ay nilikha ni Father Benildus Maramba, OP. Unang inawit iyan ng mga Pilipino na dumalo sa canonization ni Santo Lorenzo Ruiz, sa Roma. May 20,000 Pilipino na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang umawit din ng ONE BREAD, ONE BODY.
Itinatanong nila kung bakit isang pangkaraniwang mamamayan ang tatanghaling santo. Ang paliwanag dito ay ang Panginoon ang pumipili at hindi ang tao.
Ipinaliwanag ni Presidente Corazon C. Aquino noon na si Santo Lorenzo ay maaring maging santo ng mga karaniwang tao. Sinabi pa rin ng Pangulo na huwarang Pilipino ang Santong ito dahil sa kanyang matibay na pananalig, debosyon sa Birhen at ibayong tapang.
Hindi nakapag-aral ang ating Santo na isinilang noong 1600. Tinuruan siyang bumasa, sumulat at ang Katekismo ang mga para sa simbahan ng Binondo. Noong bata pa siya ay naging sakristan siya. Naging escribano o klerk sa simbahan din siya sa pook na pinagbinyagan sa kanya.
Ang mga magulang ni Santo Lorenzo ay Tagalog at Intsik. Ang naging kabiyak niya ay isa ring Tagalog. Dalawang lalaki at isang babae ang naging anak nila.
Noong 35 taong gulang si Lorenzo, siya ay pinagbintangan na kasama sa isang krimen. Tinulungan siya ni Fr. Domingo Gonzales, Dominican superior, na magtungo sa Japan kasama ang apat na misyonero at isang Hapong Kristiano. Sakay sila ng isang sampan, nakarating sila sa Okinawa.
Nahuli silang lima at ipiniit ng isang taon. Sila ay nilitis ng mga Hapones sa Nagasaki noong Setyembre 1637. Naghihigpit ang mga Hapones pagkat ang akala nila ang mga pari at mga negosyante mula sa Espanya ay mga ispiya at gustong sakupin ng Espanya ang kanilang bansa. Sila ay pinahirapan bago pinatay.
Malaki ang hirap ni Fr. Fidel Villaroel sa canonization na naganap. Nakaraating siya sa iba’t-ibang pook upang manguha ng mga dokumento na magpatunay na pagiging martir ni Lorenzo. Nakuha niya ang dokumento na pinatunayan nina Antonio Carvalho at Pedro Rodriguez kung paano sila nilitis at pinahirapan.

