Home » Dear Heart » ‘Kinukuha ng ama niya ang anak dahil wala silang naging anak ng asawa’

‘Kinukuha ng ama niya ang anak dahil wala silang naging anak ng asawa’

Dear Tita Belle,

Noong nagdalang-tao ako ay hindi ako pinanagutan ng lalaking pinagkatiwalaan ko ng aking puri at dangal. Sa kahihiyan ay nagdesisyon ang aking ama na umalis sa aming lugar at pumunta sa isang lugar na walang nakakakilala sa amin. Napakabait ng aking ama at hindi niya ako itinakwil bagkus sinuportahan at ginabayan pa. Nagalit man siya sa umpisa ngunit napatawad pa rin niya ako at hindi kami pinabayaan ng anak ko.

Noong limang taong gulang na ang anak ko ay namatay sa isang aksidente ang aking mga magulang, papunta sila noon sa puwesto nila sa palengke. Naiwan kaming mag-ina na namumuhay at naatang sa akin ang pagpapatakbo ng negosyo ng aking magulang. Sa tulong at gabay ng Panginoon ay nakakaraos kaming mag-ina. Nasa ikalawang taon na sa kolehiyo si Estrella nang umuwi si Henry sa Pilipinas. Pinuntahan niya sa kanyang eskwelahan si Estrella dahil nagsa-summer class ito.

Sinabi ni Henry sa anak namin na isasama na siya sa Australia pagbalik niya. Natunton niya ang aming kinaroroonan mag-ina dahil ibinigay ni Meldred ­ matalik kong kaibigan ang aming address sa kanya. Parang maglalaho ang mundo ko nang malaman kong kinukuha na ang anak ko ng kanyang iresponsableng ama at wala silang naging anak ng asawa niya.

Paula Mae

Dear Paula Mae,

Magtiwala ka na hindi basta sasama ang anak mo sa kanyang ama na ngayon lang niya nasilayan. Malaki na at may isip na ang anak mo at naiintindihan niya ang mga sakripisyo mo bilang ama at ina niya. Kung sapilitan mang kunin ni Henry si Estrella ay maaari mo siyang ihabla ng kidnapping ngunit para makasiguro kang hindi sasama ang anak mo sa ama niya ay tanungin mo si Estrella kung gusto niyang sumama sa kanyang ama at hindi mo maihahabla ng kidnapping si Henry dahil kusang sumama ang bata.

Kung may pagkakataong magkausap kayo ni Henry ay gawin mo. Ipaliwanag mo sa kanya ang mga sakripisyo na ginawa mo maitaguyod lang si Estrella ­ ang batang inabandona niya at ngayong hindi sila magkaanak ng naging asawa niya ay kukunin na lang niya si Estrella na hindi man lang niya isinaalang-alang ang iyong damdamin. Kahihiyan at paghihirap ng loob ang naranasan ng inyong pamilya noon at ngayong nakakaahon ka na sa nakaraang unos sa iyong buhay ay gagawa na naman si Henry ng isang bagay na ikasasama ng iyong loob.

Magdasal ka at humingi ng tulong sa Diyos upang tulungan ka Niya sa kalagayan mo.

Tita Belle