Home » Dear Heart » ‘Isasama sa Amerika ng tunay na magulang’

‘Isasama sa Amerika ng tunay na magulang’

Dear Tita Belle,

May pumunta sa aming bahay noong nakaraang buwan. Sila ang tunay kong mga magulang. Hindi inilihim ng nakagisnan kong ina ang totoo kong pagkatao. Iniwan ako kay Mama Karla ni Mama Elena, tunay kong ina dahil itatakwil siya ng magulang niya kung malalamang buntis siya. Kapwa abogado ang aking ama at ina at sa Amerika na sila naninirahan. May isa akong kapatid na isinilang sa Amerika.

Hindi natapos ng aking nakagisnang ina ang kanyang kinukuhang kurso noon sa kolehiyo nang ibigay ako sa kanya ni Mama Elena. Nagtayo na lamang siya ng isang karenderya at dito kami kumukuha ng mga panggastos sa araw-araw. Ngayong Mayo ay babalik na sa Amerika ang mga magulang ko at gusto nila akong isama na. Narinig kong umiiyak si Mama Karla nang malaman niyang kukunin na ako ng magulang ko. Hindi na nag-asawa si Mama Karla dahil sapat na daw ako para lumigaya siya.

Susane

Dear Susane,

Ang tunay mong magulang ay kompleto at matagumpay na sa kanilang buhay. May anak sila na kasama at “Financially Stable,” samantalang ang nakagisnan mong ina ay ikaw lang ang itinuturing na kayamanan. Malaking sakripisyo ang ginawa niya alang-alang saiyo. Ibinuhos na niya ang lahat ng panahon at oras sa pag-aasikaso saiyo.

Kahit papaano, minahal mo rin siguro ang Mama Karla mo. Alam kong nadama at nakita mo ang mga sakripisyong ginawa niya, maibigay lang saiyo ang mga pangangailangan mo. Hindi ko inaalis saiyo na mahalin mo rin ang totoo mong magulang ngunit huwag mo namang talikdan ang babaeng nagpalaki at nagtaguyod saiyo.

Kausapin mo ang Mama Karla at Mama Elena mo. Ipaliwanag mong kapwa mo sila mahal at gusto mo silang makasama ngunit mas gusto mong manatili sa piling ng nakagisnan mong ina. Maaari ka namang sumama sa magulang mo sa Amerika upang magbakasyon ngunit bumalik ka sa babaeng tunay na nagmamahal saiyo – Ang Mama Karla mo.

Tita Belle